HINDI na nagawa pang isugod sa pagamutan ng mga kasamahan sa trabaho ang dalawang construction worker matapos madaganan ng gumuhong bahagi ng ginagawang bodega sa bayan ng Pandi sa lalawigan ng Bulacan.
Bukod sa mga nasawi, limang iba pa ang napaulat na nasugatan bunsod ng trahedya sa ginagawang warehouse na pag-aari ng JL Toys Inter Global Industrial Complex sa Barangay Buisan.
Sa impormasyong ibinahagi Bulacan Police Provincial Office (PPO), wala nang buhay nang matagpuan sa ilalim ng guho ang dalawang obrerong kinilala lang sa pangalang Allan at Norman.
Patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang limang iba pa.
Kwento ng mga saksi, dakong alas 4:00 Biyernes ng hapon nang mapansin ang unti-unting paglubog ng concrete slab sa ikalawang palapag matapos magbuhos ng semento.
Gamit ang andamyong bakal, sinubukan pa umano ng mga manggagawa lagyan ng tukod ang apektadong bahagi ng istruktura.
