LIGTAS sa panganib ang dalawang tauhan ng Philippine Air Force (PAF) ang sugatan matapos bumulusok pababa ang sinasakyang eroplano sa Mt. Sto. Tomas sa Sitio Cabuyao, Barangay Poblacion, Tuba, Benguet Miyerkules ng umaga.
Sa isang kalatas, kinumpirma ng PAF na bumagsak ang SF-260 trainer aircraft na may tail number 10-39 dakong alas 10:30 ng umaga habang nagsasagawa ng navigation training flight.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente bandang alas-10:20 ng umaga ngunit nai-report lamang sa mga awtoridad dakong alas-11:40 ng tanghali.
Kinilala ni Lt. Col. Roy Calulot, tagapagsalita ng Benguet Police, ang isas sa mga sugatan na si 1st Lt. Ruth Pasos. Wala pang detalye sa pagkakakilanlan ng lalaking airman na kasama ni Pasos.
Kapwa walang malay ang mga biktima nang matagpuan ng mga sumaklolong residente sa nasabing lugar.
Kabilang ang bumagsak na ang SF-260 trainer aircraft sa 10 eroplanong lumipad mula Fernando Air Base sa Lipa City patungong Baguio City.
Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang sanhi ng aksidente.
