
MALAYA na sa banta ng insurhensya at panggugulo mula sa mga itinuturing na teroristang grupo ang bayan ng Angono matapos itong ideklara bilang pinakabagong lugar sa lalawigan ng Rizal.
Ang deklarasyon ay pormal na pinagtibay nitong ika-16 ng Agosto 2023 sa pamamagitan ng paglagda sa isang ‘memorandum of understanding’ sa pagitan ng Philippine Army, Armed Forces of the Philippines, Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) kasama ang miyembro ng Regional, Provincial, at Municipal Task Forces to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).
Ayon kay 202nd Brigade Commander Brig. Gen. Cerilo C. Balaoro Jr., ang pagdeklara sa bayan ng Angono bilang ‘peaceful municipality’ ay nangangahulugan sa pagkakamit nito sa pinakamataas na antas ng pagbabalik ng kapayapaan, batay sa mekanismong kalakip ng Executive Order No. 546.
“Ito ay alinsunod sa normalization process na nakapaloob sa EO 546 na kung saan ang ating mga lugar ay dine-declare natin na insurgency-free o stable internal peace and security na ibig sabihin ay wala ng threat ng armadong grupo dito. Ang bayan ng Angono for several years ay wala naman siyang threat ng armed group, what we are looking now is threat ng communist terrorist group sa recruitment sa ating vulnerable sectors,” pahayag ni Balaoro.
Malugod naman tinanggap ni Angono Mayor Jeri Mae Calderon ang pagkilala sa pagsisikap ng lokal na pamahalaan – katuwang ang pulisya at mga lupong tagapamayapa, patungo sa kaayusan ng lipunan.
Ang Angono ang ika-limang bayan sa Rizal na idineklarang insurgency-free. Naunang idineklara bilang mga lugar na may stable internal peace and security ang mga bayan ng Baras, Tanay, Teresa, at Cardona.