
SA hangaring makaiwas sa bulilyaso, idiniin ng isang akusado sa kasong katiwalian kaugnay ng di umano’y pagbubulsa ng P81 milyong nakolektang tobacco taxes sa Narvacan (Ilocos Sur) ang mag-amang dating nanungkulan sa gobyerno
Sa pagbaliktad ni Constantino Cabitac na dating Pangulo ng Federation of Farmers of Narvacan (FNN), tuluyan na rin pinagbigyan ng Sandiganbayan Second Division ang hirit na maging state witness laban kina dating National Tobacco Administration (NTA) chief Edgardo Zaragoza at anak na si former Narvacan mayor Zuriel Zaragoza.
Batay sa kasong isinampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan, pinaratangan ang mag-amang Zaragoza ng pagsasabwatan para maibulsa ang P61 milyong halaga ng tobacco excise tax noong Mayo ng nakaraang taon.
Bukod sa mag-amang Zaragoza, kaladkad din sa kasong kriminal sina Narvacan municipal accountant Melody Cadacio at isang Mario Cabinte.
Sa 27-pahinang resolusyon, pinaniniwalaan ng Sandigan ang pagtatapat ni Cabitac na siya mismo ang inatasan mag-encash ng mga tseke ng Landbank na nakapangalan sa kanya may pitong taon na ang nakaraan.
Katunayan aniya, kasama pa niya sina Cadacio at Cabinte sa paghahatid ng perang personal di umanong tinanggap ng batang Zaragoza na noo’y nanunungkulan bilang alkalde ng Narvacan.