Ni LILY REYES
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilapit ang serbisyo sa mga tao, inihayag ang pagbubukas ng panibagong tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Naga City sa Cebu.
Sa isang pahayag, binigyang diin ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza ang bentahe ng pagtataguyod ng mas maraming LTO Extension Office sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang katuparan sa pangako ng Pangulo – na dadalhin ang mga tanggapan ng pamahalaan sa 82 lalawigan, 148 lungsod at 1,498 munisipalidad.
Higit pa sa pagpaparami ng mga LTO Extension Offices na tinutulak ng ahensya, target di umano ng administrasyon na ilagay sa ayos ang sektor ng transportasyon.
Para sa LTO chief, ang karagdagang extension at satellite offices ay magpapatibay sa patuloy na full digitization efforts ng lahat ng serbisyo ng LTO mula sa aplikasyon at pag-renew ng driver’s license hanggang sa aplikasyon at pag-renew ng pagpaparehistro ng sasakyan.
“Our digitization efforts, along with our plans to open more satellite and extension offices, would make it easier for the Filipino people to enjoy fast and comfortable services of the LTO,” ayon kay Mendoza.
“Its long-term benefits are in line with the advocacy of our Department of Transportation Secretary Jaime J. Bautista for the safety of all road users, being one of the primary mandates of your LTO,” dagdag pa niya.
Noong Huwebes, nagtungo si Mendoza sa Naga City sa Cebu para sa inagurasyon ng naturang LTO Extension Office.
Sa kanyang talumpati, hinimok ng LTO chief ang mga empleyado sa lungsod at sa buong Central Visayas na isabuhay ang mithiin ng Bagong Pilipinas ng Pangulo – ang mabilis at komportableng serbisyo sa mamamayang Pilipino.
Hinikayat din niya ang lahat ng opisyal at empleyado ng LTO na ipagpatuloy ang pagpapalawak ng libreng Theoretical Driving Course sa pinakamaraming mahihirap na Pilipino.
