SA halip na maghanap ng bagong trabaho, sinunog di umano ng school janitor ang pinapasukang eskwelahan matapos matanggap ang abiso hinggil sa pagbabawas ng mga empleyado.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), kusang-loob na sumuko ang hindi pinangalanang suspek na tinuturong sumunog sa bodega ng Daisy’s ABC School na pag-aari ng pamilya ni San Carlos, Negros Occidental Mayor Renato Gustilo.
Bukod sa eskwelahan, kabilang sa nadamay din sa sunog ang ancestral house ng alkalde, na swerte namang wala sa kanyang tahanan nang maganap ang insidente.
Ayon sa pulisya, mabilis na kumalat ang apoy sa gusali ng paaralan hanggang sa madamay ang iba pang kalapit na istruktura.
Sinampahan ng kasong arson ang janitor.
