
HINDI na nagawa pang isugod sa pamagamutan ang 51-anyos na dating bodyguard ng isang kongresista sa lalawigan ng Batangas matapos burdahan ng tama ng bala ang katawan ng biktima sa lungsod ng Balayan.
Kinilala ng lokal na pulisya ang biktima sa pangalang Edgardo San Buenaventura Jr., 51-anyos, residente ng Barangay District 10, Balayan City, at nagsilbing bodyguard 1st District Batangas Rep. Eric Buhain.
Sa imbestigasyon ng Balayan PNP, nagtamo ng 11 tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Ayon kay Balayan Police chief Major Domingo Ballesteros Jr., pauwi na sana ang biktimang sakay ng motorsiklo nang magpasyang bumuwelta sa nadaanan talipapa para bilhan ng pasalubong ang pamilya. Pagbaba ng motor, nilapitan di umano ng dalawang armadong lalaki at agad pinaulanan g bala.
Mabilis na tumakas ang mga suspek gamit ang isang motorsiklo. Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 11 basyo ng bala ng kalibre 45.
Bagamat patuloy ang imbestigasyon, personal na alitan ang isa sa mga sinisilip na motibo.