INALMAHAN ng isa sa mahabang talaan ng mga bayang apektado ng oil spill sa karagatan ng Mindoro Oriental ang rekomendasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) na itigil na ang paglilinis ng langis na tumagas mula sa lumubog na MT Princess Empress sa bayan ng Naujan noong nakalipas na Pebrero.
Para kay Pola Mayor Jennifer Cruz, hindi rin angkop ang direktiba ni Mindoro Oriental Governor Humerlito Dolor na nag-utos sa buwagin ang oil spill operations task force na nangangasiwa sa paglilinis sa mga baybaying bahagi ng lalawigan – kabilang ang bayan ng Pola.
Ayon kay Cruz, bakas pa rin ang langis sa mga baybayin ng mga nasasakupang barangay.
“What we agreed upon is only for offshore operations but they should not terminate all operations, particularly along our shorelines where oil sludge can still be seen. That is why I did not sign the document that they brought to my office declaring that we are 100 percent oil spill-free,” pahayag ni Cruz.
Gayunpaman, iginiit ni Dolor na layon ng kanyang direktibang suportado aniya ng 11 barangay chairman sa bayan ni Cruz na pagtuunan na ang aniya’y ‘restoration’ ng mga nasirang korales sa dagat, batay na rin sa deklarasyon ng PCG.
Buwan ng Hunyo nang ihayag ng PCG ang 100% completion ng oil spill clean-up sa karagatang sakop ng naturang lalawigan. Gayunpaman, nilinaw ni Dolor na bagamat ciento por ciento ng tapos ang trabaho ng PCG, hindi naman aniya nangangahulugang wala nang makikitang bakas ng langis sa mga baybayin.
Aniya pa, mismong ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nagsabing aabutin ng iklan taon bago mawala nang tuluyan ang bakas ng tumagas na langis sa mga apektadong lugar.
“Would the provincial government stop what it is doing? Again, all the government agencies would be on stand-by. What we wanted is to push through with our recovery program to bring back our natural resources. Is the provincial government remiss in its intervention in the town of Pola? The people in the town know what is the truth and they are the ones that could answer that,” ani Dolor sa isang pahayag na ipinaskil sa social media.
Mas matimbang rin anang gobernador ang pagsusuring isinagawa at nilagdaan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, ng PCG at Department of Health (DOH) na nagsabing wala nang nakaambang panganib na dulot ng tumagas na langis sa paglalayag sa karagatan.
Bwelta ni Cruz kay Dolor, wala naman di umanong ambag ang punong lalawigan sa mga ayudang ipinamahagi sa mga mangingisda. Katunayan aniya, ang mga tulong na dumating sa lalawigan ay pawang donasyon ng mga senador, mga tanggapan ng pamahalaan bilang ang Office of the Vice President at personal na ayuda ni Unang Ginang Liza Araneta Marcos
“Even the gasoline subsidy from the Bureau of Fisheries and Aquatic Resources and the Office of the Civil Defense had not been given to the affected residents in our town. The food packs that were given came from the DSWD (Department of Social Welfare and Development) and I know what directly came from the provincial government are the gallons of water,” pahabol ni Cruz.