HINDI umubra sa Korte Suprema ang tigas ng mukha ng isang huwes na dati nang pinatalsik pero patuloy na nanungkulan bilang presiding judge sa Bangued, Abra Regional Trial Court.
Sa bisa ng resolusyon ng Supreme Court en banc, tuluyan nang tinanggalan ng lisensya ng Korte Suprema si Judge Raphiel Alzate bunsod ng gross misconduct at insubordination.
Una nang ipinag-utos ng Korte Suprema na sibakin sa pwesto si Alzate noong 2020 matapos mapatunayang nagkasala kaugnay ng minadaling kaso ng annulment.
Taong 2023 naman nang bawiin ng Korte Suprema ang hatol kay Alzate kaugnay ng naturang usapin, kasabay ng pagpapababa ng parusa – limang-taong suspensyon at P200,000 multa.
Subalit sa halip na lisanin ang pwesto, nagpatuloy si Alzate sa pagiging huwes – bagay na ikinadismaya ng Korte Suprema.
“This we cannot allow. Neither can we allow Judge Alzate to resume donning the judicial robe as his grave, nay, tainted actions, and omissions invariably depict his unworthiness,” ayon sa resolusyon ng Korte Suprema.
