ANG Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mismo ang nagsabing ang mataas na presyo ng mga pagkain ang siyang pinakamalaking problema ng bansa.
Kulang na lang ay maglupasay ang mga ginang ng tahanan na nagba-budget nang mabuti kung papaano pagkakasyahin ang kakarampot na sweldo ni mister. Kaya marami na tayong nakikita ngayon na parehong tatay at nanay ang kumakayod para sa pamilya.
Isa sa ipinangako ni PBBM ang mas maraming Kadiwa stores pa ang kanilang bubuksan para mag-alok ng mga produktong agrikultura sa murang halaga bilang pangtapal sa pagtaas ng presyo ng bilihin sa palengke.
Tama po, pangtapal, ‘band aid solution’ lamang ito sa malaking problema sa taas ng mga bilihin ngayon. Hindi sapat, hindi makakapagpahinto sa nagdurugong bulsa at kumakalam na sikmura ng mga Pilipino ang Kadiwa Stores ng gobyerno.
Hindi kayang tugunan ng mga Kadiwa Stores ang pangangailangan sa murang pagkain ng mga mamamayan.
Aminado naman ang Pamahalaan na pansamantala lang itong pag-aalok ng mga murang produktong agrikultura sa pamamagitan ng mga Kadiwa. Ang nakikitang pangmatagalang solusyon ayon na rin kay PBBM ay ang pagandahin ang produksyon ng mga magsasaka.
Papaano gagawin kung ang mga magsasaka ay wala namang sariling lupang bubungkalin? Paano gagawin kung mahal ang abono? Paano gagawin kung panay ang dating ng mga imported na gulay at karne na mas mura ang halaga kumpara sa mga lokal na produkto?
Umaasa na tayo masyado sa importasyon kaya napabayaan natin ang agrikultura kaya mababa ang ani ng mga magsasaka na nagresulta naman sa mataas na presyo ng bilihin sabi mismo ng Pangulo.
Ibigay ang pangangailangan ng magsasaka at bibigyan nila tayo ng sapat na pagkain. Pero kung magiging prayoridad ang pag-angkat, katumbas ito ng pagsakal sa mga magsasaka kaya lalong lumalaki ang problema sa produktong agrikultura na tumatagos sa bulsa at sikmura ng mga mamamayan.
….
Nais lamang nating bumati sa Ika-25 Anibersaryo ng pagiging Lungsod ng Antipolo.
Malaki na ang naging pagbabago at mabilis ang pag-unlad. Kaya hindi nakakapagtaka na maraming tao na ang pumipili sa Antipolo bilang pamalagian nilang tirahan at lugar ng negosyo. Marami pa ang magaganap at nakatakdang maging proyekto kaya huwag magulat kung ituring itong pinakamaunlad na lungsod sa mga susunod na panahon.