PERSONAL na isusumite ni Bacolod City Lone District Rep. Albee Benitez kay Pangulong Ferdinand Marcos ang nabuong ‘masterplan’ na inaasahan magagamit ng iba’t-ibang lokalidad sa bansa para solusyunan ang matinding pagbaha matapos ang isinagawang 2nd Bacolod Flood Mitigation Summit kamakailan.
Ayon Benitez, nakatanggap siya ng opisyal na kumpirmasyon para sa pagbisita sa lungsod ni Presidente Marcos, matapos na makansela ang nakatakdang pagbisita ng Pangulo sa Bacolod City noong Disyembre 5 dahil sa pagragasa ni Tropical Depression Wilma.
Ayon sa mambabatas, nakatakda rin inspeksyunin ng Pangulo ang ipinatupad na short-term solutions ng pamahalaang panglungsod sa nararanasang pagbaha kabilang paglilinis ng mga ilog at sapat, maging ang drainage system.
Nauna rito, aabot sa 3,000 Bacolodnons ang itinalaga ni Benitez bilang ‘river warriors’ sa pagsasagawa ng 10-day clean-up, sa ilalim na rin ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sinabi ng Visayan bloc leader na siyam na pangunahing daluyan ng tubig sa Bacolod City ang natukoy na kinakailangan matutukang mabuti partikular ang pagsasailalim dito sa dredging, de-clogging at regular river clean-up drive.
Ito ay kinabibilangan ng Banago Creek, Mandalagan River, Mambuloc Creek, Maupay Creek, Lupit River, Magsungay River, Tangub Creek, Pahanocoy Creek, at Sum-ag River.
Ani Benitez, target ng kanilang pagtitipon na bumalangkas ng “real, workable, and future-ready solutions” na akma sa maunlad at patuloy na umaangat na lungsod.
“The masterplan will be the whole city’s blueprint in solving our long fight with flooding. We are proud to note that as we gear toward this, we have involved as many stakeholders as possible—from national government agencies to civil society organizations, and even Bacolodnons themselves,” anang Bacolod City solon.
Masusi ring tinalakay ang mga nalikom na datos kung saan nagawang matukoy ang mga ugat ng problema nang pagbabaha sa lungsod at mula dito ay maaaring makapaghain ng mga panukala para sa short, medium, at long-term interventions.
Ang Bacolod Anti-Baha Alliance, isang citizen-led group, na kinabibilangan din ng mga kinatawan mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ay inaasahan din makapag susumite ng kani-kanilang position papers.
“One of the main reasons why I believe we will eventually succeed in solving chronic flooding is because Bacolodnons love their city and are willing to do what it takes to preserve and protect their heritage and well-being,” giit pa ni Benitez.
“Flooding is a problem that faces many of our kababayan, and we hope this summit can offer a blueprint for the rest of the country. We want to show that when a city’s people work together for a common purpose, we can rise above any challenge. Flooding may be a tragic reality of our history and our present—but we should refuse to make it an accepted reality in our future.” (ROMER R. BUTUYAN)
