Ni Lily Reyes
NIYANIG ng magnitude 6.5 lindol ang probinsya ng Samar, Lunes ng tanghali.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol, bandang alas-12:57 ng tanghali nang yumanig ang lindol may 16 kilometro timog-silangan ng bayan ng Calbiga.
Tectonic ang pinagmulan ng lindol na may lalim na 77 kms.
Sinabi ng Phivolcs na naramdaman ng mga residente ng Palo, Leyte ang Intensity 4 na lindol. Samantala, Intensity 5 naman ang naitala sa Catbalogan City, Samar.
Paliwanag ng Phivolcs, ang nasabing lindol sa Samar ay dulot ng paggalaw ng mga aktibong fault na kinabibilangan ng Central Samar, Eastern Samar, at Salcedo Faults, at subduction (diving) ng Philippine Sea Plate sa kahabaan ng Philippine Trench.
Mayroon din aniyang iba pang kalapit na mga local fault, na maaaring hindi makita sa ibabaw, at maaaring pinagmumulan ng maliit hanggang katamtamang lakas ng pagyanig ng lupa.
Kamakailan lang, inuga rin ng isang magnitude 6.8 na lindol sa baybayin ng Sarangani.
Sinabi nnaman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council noong Linggo na hindi bababa sa siyam katao ang pinangangambahang namatay.