BILANG paghahanda sa mabigat na buhos na ulan na dala ng super bagyong Pepito, nagpakawala ang pamahalaan ng tubig na nakaimbak sa apat na dam sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Kabilang sa mga pasilidad na binuksan ang tarangkahan ang mga dam ng Ambuklao, Binga, San Roque, at Magat.
Sa Ambuklao Dam na nasa bayan ng Bokod sa lalawigan ng Benguet, apat na floodgate ang binuksan sa hangaring bawasan ang tubig na halos umabot na umano sa 752-meter spilling level.
Gayundin ang ginawa sa Binga Dam sa munisipalidad ng Itogon na tatlong metro na lang ang kulang bago pumalo sa 575-meter spilling level.
Dawang gate naman ng San Roque Dam sa Pangasinan at Magat Dam sa Isabela, ang binuksan. Kapwa malapit na rin sa spilling level ang mga naturang imbakan ng tubig.
Sa pagtataya ng PAGASA, magdadala ng malakas hanggang sa matinding pag-ulan (100-200 mm) sa Benguet, Pangasinan, ang bagyong Pepito. Nakataas na rin sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 sa katimugang bahagi ng Isabela, Pangasinan, Benguet, at Ifugao.
