
SA dami ng pamilyang apektado sa pagsabog ng Bulkang Kanlaon, isinailalim na sa State of Calamity ang dalawang bayan sa hangganan ng dalawang lalawigan sa isla ng Negros para sa implementasyon ng forced evacuation sa mga nakapalibot na barangay.
Ayon kay La Castellana Mayor Alme Rhumyla Nicor-Mangilimutan, pinagtibay na ng konseho ang resolusyon nagdeklara ng State of Calamity sa nasasakupang bayan para sa mas mabilis na tugon sa 12,000 indibidwal na apektado ng pagsabog ng bulkan – bukod pa sa pinsalang tinamo ng sektor ng agrikultura.
Sa lungsod ng Canlaon, kinailangan pa ng special session ng konseho para aprubahan ang resolusyon naglalagay sa lokalidad sa State of Calamity, ayon kay Mayor Jose Chubasco Cardenas.
Nasa 23,622 residente mula sa mga barangay ng Masulog, Pula, Malaiba, Lumampao, at Linuthangan ang apektado ng pagsabog ng bulkan.
Ipinag-utos na rin ang forced evacuation sa mga naturang barangay. Gayunpaman, may mga agam-agam di umano ang mga magsasaka sa ipinapatupad na forced evacuation.
Anila, walang mag-aasikaso ng mga taniman. Nangangamba din umano ang mga magsasaka na manakaw ang mga alagang hayop tulad ng manok at baboy.
Isinailalim na sa Alert Level 2 ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang bulkang patuloy na nagbubuga ng makapal na usok na umabot sa 5,000 metro ang taas.