HIMALANG hindi man lang nasugatan ang isang barangay chairman matapos paulanan ng hindi bababa sa 120 bala ang sasakyan sa Barangay Bagua sa Cotabato City.
Gayunpaman, sugatan ang apat na iba pang kasama ni Edris Ayunan Pasawiran, chairman ng Barangay Kalangan, sa loob ng Toyota Grandia Van na inabangan sa isang bahagi ng Kalye Mabini na sakop ng Barangay Bagua.
Kinilala ni Cotabato City Police chief Col. Querubin Manalang ang mga sugatan na sina Michael Avila, Akmad Guimba, Amal Masulot at Tanto Palulod.
Kwento ng mga residente sa nasabing lugar, lulan ng isang Suzuki minivan ang mga salaring nagpaulan ng bala gamit ang mataas na kalibre ng baril noong Biyernes ng gabi.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na si Pasawiran ang target ng mga hindi pa natukoy na salarin.
Patuloy pa ang paglalapat ng lunas sa mga sugatan, habang natagpuan naman sa Barangay Rosary Heights ang sasakyang ginamit ng mga suspek. Isang kal;pibre 45 din di umano ang narekober sa loob ng Suzuki minivan.
Bago pa man ang insidente, dati nang nakalusot sa kalawit ng kamatayan si Pasawiran. Gayunpaman, hindi pinalad ang anak na nasawi sa insidenteng kaugnay ng 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE).
