HINDI na nagawa pang isugod sa pagamutan ang dalawang lalaki – kabilang ang isang senior citizen, matapos ratratin ng bala ng riding-in-tandem sa Barangay San Isidro sa lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan. Kinilala ng lokal na pulisya ang mga nasawi na sina Benedicto Castulo, 63-anyos at Joel Nicolas, 46 taong gulang na kapwa residente ng Purok 6 sa nabanggit na barangay. Sugatan din sa pamamaril ng riding-in-tandem ang isang Charry Fe Castulo na patuloy na inoobserbahan sa pagamutan bunsod ng tinamong tama ng bala. Ayon kay Bulacan provincial police chief Col. Relly Arnedo, dakong alas 5:50 ng kahapon ng umaga nang tapatan at paulanan ng bala ng riding-in-tandem ang mga biktimang nagkukwentuhan. Mabilis na tumakas ang mga suspek sa direksyon ng Barangay Paradise. Samantala, narekober ng pulisya sa crime scene ang mga basyo ng bala ng kalibre 45. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng lokal na pulisya sa pagkakakilanlan at motibo ng pamamaslang ng riding-in-tandem. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation KAPITAN TINAMBANGAN, MGA KASAMA SUGATAN 17 SOLAR PUMPS IPINAMAHAGI SA ISABELA FARMERS