SA halip na pera, rehas ang sinasalat ngayon ng dalawang pinaniniwalaang miyembro ng Dawla Islamiya terrorist group matapos bentahan ng mga assault rifles ang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kinilala ni Brig. Gen. Prexy Tanggawohn na tumatayong director of the Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (BAR) ang mga suspek na sina Jamel Cabila Musor at Pananggi Sarip Ampuan.
Ayon kay Tanggawohn, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang PNP regional office hinggil sa ilegal na aktibidad nina Musor at Ampuan.
Bilang bahagi ng operasyon, nakipag-ugnayan di umano ang mga undercover operatives na nagkunwaring interesadong bumili ng mga high-caliber assault rifles kina Musor at Ampuan na kapwa sumang-ayon makipagkita para tapusin ang transaksyon.
Pagdating sa itinakdang tagpuan sa Barangay Sarang sa bayan ng Malabang sa lalawigan ng Lanao del Sur, dinakip ang mga suspek sa habang nagpapalitan ng pera at kontrabando.
Narekober sa pag-iingat ng mga suspek ang dalawang M14 rifles at isang M16 rifle na pawang kargado ng bala.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 sina Musor at Ampuan na kalaunan ay nabistong mga miyembro ng Dawla Islamiya.
