LIMANG pasahero ng tumaob na motorized boat ang nailigtas sa Pacific Ocean malapit sa islang bayan ng Polillo sa Quezon province, noong Miyerkoles.
Sinabi ng Quezon-PNP nitong Huwebes, bandang alas-3 ng hapon nang masagip ang limang pasahero na hindi pa kinikilala na naglayag mula sa isla ng Patnanungan para maghatid ng isda sa bayan ng Real, Quezon.
Ayon sa ilang mangingisda na nakakita sa pangyayari, hinampas ng malalakas na alon ang bangka at lumubog sa paligid ng Barangay Languyin sa Polillo.
Mabilis namang tumulong ang mga mangingisda at dinala ang mga ito sa ligtas na lugar saka ibinalik sa kanilang mga pamilya sa Patnanungan.
Samantala, patuloy naman ang paghahanap ng PCG sa mangingisdang si Willie Miranda, 50, na naiulat na nawawala mula noong Nobyembre 14 sa karagatan ng Polillo.
Pinaalalahanan naman ng Philippine Coast Guard (PCG) District Southern Tagalog ang mga maliliit na sasakyang pandagat sa hilagang Quezon ay nanatiling suspendido noong Huwebes dahil sa maalong dagat.
Sinabi ng PCG-DST, bawal maglayag sa Eastern seaboards ng southern Luzon (Northern Quezon-General Nakar) kabilang ang Polillo Islands (ang hilagang baybayin ng Panukulan at ang hilagang at silangang Baybayin ng Burdeos, Patnanungan at Jomalig).