ISANG malawakang manhunt ang ikinasa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa pinaniniwalaang utak sa likod ng isang malaking sindikato sa likod ng kidney trafficking sa lalawigan ng Bulacan.
Sa kalatas ng NBI, target ng manhunt ang isang Allan Ligaya na tinuturong utak ng tatlong kasapakay na una nang nadakip sa magkakahiwalay na operasyon. Head nurse di umano ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang mastermind the sindikato.
Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang mga arestadong suspek sa pangalang Angela Atayde, Marichu Lumibao at Dannel Sicat.
Huwebes ng nakalipas na linggo nang dakpin sa San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan sina Atayde, Lumibao at Sicat matapos ireklamo ng isang estudyanteng pinangakuan di umano ng P200,000 kapalit ng isa sa kanyang dalawang kidney na ita-transplant di umano sa hindi tinukoy na pasyente.
Pero pagkatapos makuha ang isa sa kanyang dalawang kidney, binigyan lamang di umano siya ng mga suspek ng halagang P2,000.
“Victims identified the three as the group that processes their kidney transfer. According to the victims, (the suspects) are the ones who maintain and harbor them for the purpose of their kidney organs being transferred for a fee,” saad sa isang pahayag ng NBI.
Nasa pangangalaga na ng City Social Welfare and Development Office sa San Jose Del Monte ang mga biktima, habang nahaharap naman sa kasong paglabag sa Section 4(h) ng Expanded Anti-Human Trafficking Act ang mga nadakip na suspek.
