HINDI pa man humuhupa ang pag-aalboroto ng Bulkang Mayon, pinaghahanda naman ngayon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga lokal na pamahalaan sa posibleng evacuation ng mga residente sakaling tumaas ang volcanic activity ng mga Bulkang Taal at Kanlaon.
Paglilinaw ni NDRRMC Deputy Spokesperson Diego Mariano, nananatiling nasa alert level 1 pa lamang ang dalawang bulkan – at walang anumang dahilan para maalarma ang mga pamilyang nakatira sa paligid ng mga nabanggit na bulkan.
Gayunpaman, kailangan aniyang matiyak na hindi papasok sa permanent danger zone ang mga residente.
“Ready po ang ating resources at ang ating mga evacuation centers dahil itong bulkan naman ito ay hindi naman ito bago. Nakahanda naman ang mga LGUs pagdating sa kung ano man ang mangyari o sakaling mag-worsen ang situation dito sa dalawang ibang bulkan,” ani Mariano.
Nabatid na nasa 28 volcanic earthquakes, kabilang ang pitong volcanic tremors ang huling naitala sa Taal Volcano. Nagbuga rin ito ng 5,024 tonelada ng sulfur dioxide at 900-meter tall plumes.
Samantala, tatlong volcanic quakes naman ang naitala mula sa Kanlaon Volcano sa Negros Island.
Habang ang Mayon Volcano sa Albay ay patuloy ang magmatic unrest at nasa alert level 3.
Ayon pa sa Phivolcs, isolated lang ang mga paggalaw sa mga bulkan ng Mayon, Taal, at Kanlaon.
Karagdagang Balita
TALUNANG PARTYLIST SOLON, CITY MAYOR NA NGAYON
POGO SA CEBU BISTADO, CHINESE BOSS KALABOSO
LANDSLIDE PRONE: BARANGAY SA ALBAY, NO MAN’S LAND