HINDI nag-atubili ang hepe ng pambansang pulisya sadyain sa isang pagamutan sa lalawigan ng Quezon ang mga kabarong napalaban sa isang enkwentro habang nagpapatrolya sa bayan ng Candelaria kamakailan.
Partikular na sinadya ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. United Candelaria Doctors Hospital sa Quezon para personal na kamustahin ang mga sugatang pulis at magbigay ng huling paggalang sa isang kasamahang nasawi sa tungkulin.
Sa gitna ng mabigat na sitwasyon, pinili ni Nartatez personal na makiramay sa kanyang mga tauhan at maging sa kani-kanilang pamilya.
Isinagawa ang pagbisita matapos ang armadong engkuwentro noong gabi ng Disyembre 19, 2025 sa Barangay Road malapit sa Sitio Pulyok, Barangay San Isidro, Candelaria, Quezon.
Habang nagsasagawa ng mobile patrol, nakasalubong ng mga pulis ang ilang armadong indibidwal sa may taniman ng saging. Isa sa mga suspek ang nagpaputok ng baril, dahilan upang gumanti ng putok ang mga pulis.
Sa paghupa ng sitwasyon, tumambad ang tatlong duguang kabaro. Sa mga nahagip ng bala, dalawa ang nasugatan at isa ang binawian ng buhay.
Tunay na Malasakit
Sa ospital, personal na iginawad ng PNP Chief ang Medalya ng Sugatang Magiting at Medalya ng Kadakilaan sa mga sugatang pulis bilang pagkilala sa kagitingan at sakripisyo.
Kasabay ng pagbisita, agad na nagpaabot ng tulong ang hepe ng pambansang pulisya — bukid pa sa tulong pinansyal mula sa PNP at gastusing kalakip ng gamutan sa ospital.
“Ang mga hakbang na ito ay sumasalamin sa isang pamumunong di lang nakikita sa mga talumpati, kundi nararamdaman sa mga sandaling pinakamabigat ang pinagdaraanan ng mga tauhan,” wika ni Brig. Gen. Randulf Tuan̈o na tumatayong tagapagsalita ng PNP.
Pagkilala sa Bayani
Naglaan din ng tahimik na sandali si Acting PNP Chief Nartatez upang magbigay ng huling paggalang kay Patrolman Ron Jay Chavez ng 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company, na idineklarang dead on arrival matapos ang engkuwentro.
Sa simpleng pagpupugay, ipinakita ang paggalang at pasasalamat sa isang pulis na nag-alay ng buhay sa serbisyo.
Marubdob na Mensahe
Sa kanyang presensya, naghatid si Nartatez ng malinaw na mensahe: “Hindi nag-iisa ang mga pulis sa oras ng pagsubok. Ang bawat tapang ay kinikilala, at ang bawat sakripisyo ay pinahahalagahan.”
Ang pagbisita ay paalala na ang tunay na pamumuno ay hindi lamang tungkol sa ranggo at utos, kundi sa kakayahang dumamay at tumayo kasama.
