KUNG meron man dapat kilalanin sa likod ng walang puknat na tagumpay ng Bureau of Customs (BOC) sa pagkakamit ng higit pa sa itinakdang target collection, sila yaong mga kawaning nagpamalas ng sigasig, husay at katapatan sa pagganap sa mandatong kalakip ng trabaho.
Sa kalatas ng BOC-Port of Clark, personal na binigyan ng pagkilala ni District Collector John Simon ang mga kawani sa nasasakupang distrito, kaugnay ng matapos magtala ng nakamamanghang 17.88% increase sa monthly collection target ng BOC-Clark sa mga nakalipas na buwan.
Bukod sa aspeto ng koleksyon, pinarangalan din ni Simon ang mga buwis-buhay na operatiba sa likod ng matagumpay na operasyon kontra droga sa nasasakupang distrito.
Katunayan aniya, nagtamo ng gradong ‘very satisfactory’ ang BOC-Clark batay sa datos na nakalap mula sa ‘digital feedback system’ ng pinamumunuang distrito.
Maging ang mga empleyadong nagpuyat para tiyakin makakarating sa mga kaanak ng mga OFWs ang padalang balikbayan boxes, hindi din kinaligtaan parangalan ni Simon.
Kabilang sa mga nakatanggap ng pagkilala ang mga kawani mula sa Customs Examiners, Enforcement and Intelligence, X-ray Inspection Project, at lahat ng divisions ng BOC-Clark.
Para kay Simon, hindi posible ang tagumpay ng kanyang distrito kung hindi sa pagpupursigi ng kanilang mga empleyado.