
SA kabila ng umiinit na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China, binuksan ng lokal na pamahalaan ang Kalayaan Group of Islands sa Spratlys para sa mga turistang nais masilayan ang nakamamanghang pasyalan sa gitna ng pinag-aagawang karagatan.
Sa pagsipa ng Great Kalayaan Expedition na pinangunahan ng Kalayaan municipal government, target ng naturang bayan gawin tourist destination ang mga islang sakop ng lalawigan ng Palawan.
Kabilang sa mga pambungad na itinampok ng Kalayaan LGU ang game fishing at diving sa West Philippine Sea.
Nagsimula na rin anilang maglayag ang tourist expedition sa Kalayaan Group of Islands gamit ang pinakamalaking sasakyang-dagat ng Philippine Coast Guard (PCG) – ang BRP Melchora Aquino.
Lulan ng BRP Melchora Aquino ang ilang miyembro ng technical working group ng Kalayaan tourism kabilang ang mga kinatawan mula sa tanggapan ng Palawan Provincial Tourism Office, Palawan Council for Sustainable Development, at mga game fishing hobbyists at recreational diving experts.
Bukod sa diving, kumbinsido rin ang pamunuan ng bayan ng Kalayaan na magiging tanyag rin ang kanilang lugar bilang pangunahing destinasyon ng pangingisda sa bansa.
Paglilinaw ng Philippine Coast Guard, ibayong ingat pa rin ang bawat paglalayag sa karagatan na bantay-sarado sa mga Tsinong lulan ng mga barkong pandigma.