
HALOS dalawang taon matapos ang karumal-dumal na pamamaslang sa noo’y Negros Oriental Gov. Roel Degamo, bahagyang umusad ang kaso bunsod ng pagsasampa ng kaso laban sa dating gobernador na kapatid ng sinibak na Congressman Arnolfo Teves.
Sa kalatas ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kasong murder ang inihain sa Department of Justice (DOJ) laban kay dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves at siyam na iba pang umano’y sangkot sa 2023 massacre sa bayan ng Pamplona.
“Sinubmit natin sa DOJ for case build-up before the preliminary investigation… may mga bagong ebidensya na na-uncover. Idinagdag natin para mapag-aralan ng ating prosecution kung paano ito ma-include at para maisampa na rin sa korte,” wika ni CIDG chief Nicolas Torre III.
Nakababatang kapatid ng sinibak na congressman si Pryde Henry Teves.
Samantala, wala pang linaw kung kailan maibabalik sa Pilipinas ang matandang Teves na kasalukuyang nakakulong sa Timor Leste.