
KUNG meron man pwedeng humiling na imbestigahan ang umano’y pagbabanta ni former President Rodrigo Duterte, yun ay ang mga senador na sinasabing ipapatumba para makasiguro ang panalo ng mga pambato ng PDP-Laban sa nalalapit na halalan.
Sa isang pahayag, hindi nagawang itago ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago ang pagkairita sa aniya’y kapangahasan ng isang kongresista na diktahan ang kawanihan.
Partikular na tinukoy ni Santiago ang panawagan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na imbestigahan ng ahensya ang pahayag ng dating pangulo sa paraan kung paano makakaupo ang mga kandidato ng pinamumunuang partido.
Para sa NBI chief, hindi si Adiong o kung sino pang miyembro ng Kamara — kundi ang mga senador ang dapat maghain ng reklamo kaugnay ng pahayag ni Duterte.
“Mawalang-galang kay Cong. Adiong at sa iba pang congressman natin, nag-i-instigate sila na mag-imbestiga ang NBI, hindi naman sila yung tinatakot eh, yung mga senador… dapat yung senador, kung sinuman sila ang magreklamo kung alam nila na sila yung tinatakot na ipapapatay,” aniya pa.
Malinaw rin naman aniyang nagbibiro lang si Duterte – “Kitang-kita ng tao na nag jojoke lamang siya. Part lamang ng rhetorics, ng political speech.”
Una nang hiniling ni Adiong sa NBI na imbestigahan ang pananakot sa kalakip ng pahayag ni Duterte.
Giit ng solon, kung ang bomb joke ay bawal sa batas at may kaakibat na kaparusahan, higit na banta ang magpatumba ng senador.