ANG presong unang napaulat na pinatay at nagmamay-ari ng mga butong natagpuan sa septic tank ng New Bilibid Prisons (NBP) facility sa Muntinlupa, nadakma ng mga pulis sa bayan ng Angono.
Sa isang pahayag ng Bureau of Corrections (BuCor), kinilala ang inarestong pugante sa pangalang Michael Cataroja, 25-anyos at nakulong sa NBP facility matapos mapatunayan may sala kaugnay ng kasong paglabag sa anti-fencing law.
Kaugnay ng pagdakip kay Cataroja, agad na ikinasa ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. ang malalimang imbestigasyon sa hangaring alamin kung paano at kung sino ang tumulong sa nasabing preso sa pagtakas sa bilangguan.
Bago pa man matimbog si Cataroja, una nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na natagpuan na ang lasug-lasog na labi ng preso sa septic tank ng NBP – bagay na hindi agad kinagat ni Catapang na humingi ng tulong sa Philippine National Police (PNP) sa paniwalang buhay ang bilanggo.