
SINIMULAN nang imbestigahan ng Department of Health (DOH) ang paglobo ng mga pasyenteng isinugod sa pagamutan matapos makalanghap ng kung anong kemikal sa hangin na pinaniniwalaang nagmula sa isang liquefied natural gas (LNG) power plant sa Batangas City.
“Upon directives from DOH Secretary Teodoro ‘Ted’ Herbosa, we have launched an investigation to validate the reported increase in cases of respiratory and cardiovascular diseases in Batangas City in collaboration with the City Health Office,” pahayag ni DOH Calabarzon Regional Director Ariel Valencia.
Bukod sa DOH-Calabarzon, kasama sa binuong investigation task force ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan – kabilang ang Regional Disaster Risk Reduction Management in Health (DRRM-H), Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU), at Non-Communicable Disease Cluster sa pangunguna ni Dr. Voltaire Guadalupe.
“They all went to Batangas City to work closely with the City Health Office to validate the morbidity data.”
Gayunpaman, walang nakikitang kaugnayan ang LNG power plant sa pagkakaratay ng mga residente na tinamaan ng sakit sa baga, batay na rin sa paunang pagsusuri ng mga dalubhasa mula sa mga naturang tanggapan ng gobyerno.
Paglilinaw ni Valencia, hindi pa tapos ang imbestigasyon bagamat kumbinsido ang naturang opisyal na kakain ng panahon bago matapos ang pag-aaral sa mga alegasyon.