
HINDI makapaniwala ang Commission on Audit (COA) sa laki ng ginastos ng isang pamahalaang lungsod sa Visayas region para sa apat na araw na disaster-preparedness seminar na idinaos noong nakaraang taon.
Sa pagkagitla, inatasan ng COA ang pamahalaang lungsod ng Catbalogan sa pamumuno ni Mayor Dexter Uy na magpaliwanag kung paano umabot ng P2.455 milyon ang gastos sa pagdalo ng mga opisyales sa Workshop on Climate and Disaster Risk Assessment (CDRA) mula Setyembre 16-16, 2022 sa hindi binanggit na panuluyan (hotel) sa Parañaque City.
Sa pagsusuri ng COA, lumalabas na kabilang sa mga dumalo ang si Mayor Uy, ang kanyang vice-mayor, 10 konsehal, 18 department heads, at 26 na iba pang kinabibilangan ng mga alalay, bodyguards at executive assistants.
Sa datos na nakalap ng COA batay sa mga dokumentong isinumite ng pamahalaang lungsod, umabot sa P831,406 ang travel expenses ng 56 opisyales ng lokal na pamahalaan, habang pumalo naman sa P29,000 per head ang ‘training fees’ para sa kabuuang P1.624 milyon.
Ayon sa COA, ng hindi nagamit na pondo ng local disaster risk reduction and management fund (LDRRMF) ang pinagkunan ng pondo para sa naturang aktibidad.
Gayunpaman, nanindigan ang COA na taliwas sa Department of the Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular No. 2011-59 ang magastos na pagbiyahe para training at seminar sa labas ng isla kung saan nakabase ang lokalidad.
“The DILG Memorandum strongly discouraged local chief executives and presiding officers in public offices from conducting training, seminars and similar activities outside of the geographical island where the LGU is located.”
“The City should have been prudent in the use of their scarce financial resources. We recommended that management submit documents to support the necessity of the study tour,” aon pa sa pagsusuri ng COA.
“This is without prejudice to an audit disallowance if management failed to justify the said study tour and/or there is an indication of excessive charging of the travel/training expenses,” dagdag pa ng COA.
Tugon naman ng Catbalogan City government, ang dinaluhang aktibidad at hindi katulad ng “Lakbay-Aral” kundi bahagi ng bahagi ng Climate and Disaster Risk Assessment (CDRA) na kailangan para sa pagbalangkas ng Comprehensive Development Plan (CDP).
Target umano ng Catbalogan city government na tularan ang tinawag nilang ‘best practices’ ng pamahalaang lungsod ng Taguig.