MATAPOS salakayin ang bahay at hacienda ng pamilya Teves sa Negros Oriental, target naman ng Department of Justice (DOJ) ang helicopter na pag-aari ng kongresistang pinaniniwalaang utak sa pagpaslang kay Negros Oriental Roel Degamo.
Giit ni Justice Sec. Crispin Remulla, helicopter ni suspended Rep. Arnolfo Teves Jr. ang ginamit na get-away vehicle ng mga bumaril kay Gov. Roel Degamo matapos ang pag-atake noong Marso 4 sa bahay ng punong lalawigan sa Bayawan City kung saan kabilang rin sa nasawi ang walong iba pa.
“I think that a search warrant was issued to look at his helicopter which was used to transport many of the suspects after the fact. Nilikas sila mula sa Negros Oriental papunta sa Maguindanao, ginamit yung chopper kaya inisyuan na ng warrant,” ani Remulla.
Ayon pa kay Remulla, natagpuan ang chopper sa isang hangar na konektado sa suspendidong kongresista sa lungsod ng Dumaguete sa Negros Oriental.
“Isa yan sa mga nangyari sa mga nakaraan na araw na mapapaniwala ka na mayroon siyang kinalaman kasi chopper niya mismo ang ginamit na sinakyan ng mga salarin upang makatakas sila mula sa Negros Oriental,” dagdag pa ng Kalihim.
Aniya, target din ng kagawaran alamin ang koneksyon ni Teves sa e-sabong at small town lottery na aniya’y pinanggagalingan ng salaping ginagamit ng nagtatagong suspek sa paghahasik ng lagim sa naturang probinsya.