
PALAISIPAN sa mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kung paano nakalusot ang mahigit P2 milyong halaga ng shabu na tumambad sa loob ng piitan.
Ayon sa BJMP-Antipolo, nasamsam ang nasa 320 gramo ng shabu matapos magsagawa ng surprise inspection sa loob ng Antipolo City Jail noong Sabado, Oktubre 4.
Natagpuan umano ang droga na nakakubli sa exhaust duct loob ng isa sa 12 selda.
Sa ulat ng kawanihan, isa-isang pinasok ang 12 dormitoryo sa bisa ng “Oplan Linis Piitan” para tiyakin ang kaligtasan ng mga tinatawag na “bakasyonista.”
Sa mga nakalipas na inspeksyon, karaniwan anilang nakukumpiska mga kagamitang posibleng magamit sa karahasan, gayundin ang cellphone, baraha at baryang ginagamit naman sa kara krus.
Gayunpaman, wala pang detalye sa nagmamay-ari ng nakumpiskang shabu. (EDWIN MORENO)