TUMATAGINTING na P3.1 milyon ang lingguhang “donasyon” sa mga mataas na opisyales ng Philippine National Police (PNP) mula sa 28 illegal gambling operators sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna at Batangas.
Sa isang eksklusibong panayam, inamin ng isang opisyal sa loob mismo ng PNP – Criminal Investigation Detection Group (CIDG-Calabarzon-4A) na hindi kailanman matitigil ang operasyon ng sakla, bookies at jueteng sa mga nabanggit na lalawigan hangga’t patuloy ang pagtanggap ng aniya’y lingguhang suhol mula sa mga illegal gambling operators.
Nang tanungin kung sino ang regular na tumatanggap ng “biyaya,” tumangging magsalita ang naturang opisyal sa takot na mapag-initan, ipatapon sa malayong probinsya – o ipatumba. Hindi rin niya tinukoy kung alin at saang sangay ng PNP konektado ang mga protektor ng sakla, bookies at lotteng sa Calabarzon.
Batay sa rekord ng PNP, pinamumunuan ng isang Col. Marlon Santos ang CIDG-Calabarzon habang hawak naman ni Brig. Gen. Jose Nartatez ang PNP Regional Office – IV-A na mas kilala bilang PNP-Calabarzon.
Kabilang sa mga tinukoy na gambling operators ng impormante sina alyas Tosie, Tita, Mayang, Osel, Sgt. Baretto, Jess, Anque, Tessie, Sherwin, Temmy, Orlan, Gil, at Vener na nag-ooperate di umano sa mga bayan at lungsod mula Calamba hanggang Calauan, sa lalawigang hawak ni Provincial Director Col. Glenn Silvio
Lingguhan rin aniya ang padala ng payola nina alyas Lolit, Judith, Tessie at isang Doña Baby Panganiban. Meron din di umanong alkalde sa Laguna ang nagpapatakbo ng sariling pasugalan.
Pasok naman sa talaan ng mga illegal gambling operators sa lalawigan ng Batangas sa ilalim ng pangangalaga ni Provincial Director Col. Pedro Soliba sina alyas Ocampo, Tisoy, Nonit, Borris, Willy Bokbok, Bagsik, Lilian at Annabelle.
Sa pagtataya ng impormante, naglalaro sa P200,000 hanggang P250,000 ang buwanang areglo ng bawat isa sa mga tinawag niyang big-time gambling operators habang nasa P20,000 hanggang P75,000 ang lingguhang “ayuda” sa pulisya ng mga pipitsuging gambling operators sa naturang rehiyon.
Wala pang pahayag ang PNP kaugnay ng nasabing isyu.
