DEAD on the spot ang tatlong pulis at drayber ni Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong matapos tambangan sa bayan ng Kalilangan, sa lalawigan ng Bukidnon dakong 4:00 ng hapon.
Sugatan sa insidente ang gobernador at ang isa pang tauhang kinilala sa pangalang Ali Macapado Tabao.
Ayon sa ulat na natanggap ng punong himpilan ng Philippine National Police (PNP), binabagtas di umano ng sasakyan ni Adiong ang masukal na daan sa Barangay West Poblacion nang ratratin ng bala ang SUV kung saan nakasakay ang gobernador at ang convoy kung saan lulan ang tatlong PNP security escorts ng gobernador.
Naganap ang pananambang isang araw matapos isailalim sa heightened alert ng PNP ang tatlong lalawigang sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Bago pa man ang naturang insidente, tinambangan na rin si Adiong sa bayan ng Maguing sa Lanao del Sur.
Kinilala ang mga nasawing pulis na sina Staff Sgt. Mohammad Jurai Mipanga Adiong, Cpl. Johanie Lawi Sumandar, Cpl. Jalil Ampuan Cosain, at isang alyas Kobi na nagmamaneho ng sasakyan ng gobernador.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.