
HUMIGIT-kumulang sa 61 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P7,380,000 ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ikinasang operasyon kontra droga sa Barangay Agbannawag, Tabuk City, Kalinga.
Gayunpaman, may sa-palos ang dalawang suspek na mabilis nakatakas sa buy-bust operation sa Barangay Agbannawag, Tabuk City, Kalinga noong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ng PDEA – Cordillera (PDEA-CAR) Mountain, kumpiskado ang nasa 59 na bloke ng marijuana, limang plastic bag ng marijuana fruiting tops, at motorsiklong ginamit ng mga nakatakas na suspek sa pagde-deliver.
Ayon kay Regional Director Derrick Arnold C. Carreon, isa sa mga suspek ay residente ng Brgy. Agbannawag, habang hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng isa pang kasabwat nito.
Gayunpaman, patuloy ang imbestigasyon at follow-up operation para matunton ang mga puganteng nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (LILY REYES)