
KALADKAD ang pangalan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), binakuran ng isang grupo ang malaking bahagi ng lupang taniman ng mga lokal na magsasaka sa Sitio San Roque sa Baras, Rizal.
Sa Facebook post ng mga residente ng Sitio San Roque, sa Barangay Pinugay, kinastigo ang katampalasan ng isang grupong anila’y nagpapanggap na environmentalist.
Kwento ng magsasaka sa naturang bahagi ng Sitio San Roque, hindi na nila mapuntahan ang kanilang taniman matapos tumambad ang nagtataasang bakod na pinaniniwalaang itinayo sa loob lang ng isang magdamag.
Batay naman sa salaysay ng ilang residente, kasama di umano ng mga pawang nakatakip ng mukha ang isang armadong grupo nang pasukin ang kanilang lugar dakong hatinggabi ng Marso 23.
“Nagbakod na naman ang mga nagpapanggap na environmentalist kagabi sa Sitio San Roque sa kalaliman ng gabi, ang mga tauhan nakatakip ang mga mukha na animo mga tulisan!”
Nang sitahin, wala di umano ipinakitang fencing permit ang isang nagpakilalang Billie Dumaliang na sinasabing nag-utos na bakuran ang lupang taniman ng mga magsasaka sa naturang bahagi ng Baras.
“Walang fencing permit! Eto ba ang sinasabing taga pangalaga ng kalikasan?”
Giit naman ni Dumaliang, nakasaad sa 2017 Memorandum of Agreement na nilagdaan ng yumaong Environment Secretary Gina Lopez ang karapatan ng Masungi Georeserve Foundation Inc. (MGFI) protektahan ang kalikasan – bagay na una nang pinasinungalingan ni DENR Legal Affairs Service Director Norlito Eneran.
Sa pagdinig ng House Committee on Natural Resources, inamin ni Director Eneran na ilegal ang MOA na nilagdaan sa pagitan ng MGFI at ng yumaong Kalihim ng DENR.
Rekomendasyon ni Eneran kay DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga – kanselahin ang kasunduang aniya’y nagbigay pahintulot sa MGFI na sakupin ang 2,700 ektaryang lupain, kabilang ang mga saklaw ng mga Presidential Proclamation at ancestral domain ng mga katutubong Dumagat.
“We have already submitted our report. We found out that there is indeed a violation of the provision of the 1987 Constitution on the period of the 2017 MOA,” ani Eneran.
“There is already a recommendation for the cancellation of the 2017 MOA, but only DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga has the authority to unilaterally cancel the contract.”
Kinastigo rin ng mga kongresista ang aniya’y kasunduang ‘panghabambuhay’ sa pagitan ng MRFI at ni Lopez.
“The Department of Justice has already made a formal opinion that this contract of 99 years is unconstitutional,” ani Committee chairman Rep. Elpidio Barzaga.
Maging si DENR Calabarzon regional director Nilo Tamoria, aminadong sinakop ng MGFI ang mga lugar na saklaw at protektado ng umiiral na batas.
“Sixty-seven percent of the total area of the MGFI, the subject MOA, is covered by the Certificate of Ancestral Domain Title. It overlaps with the CADT of the National Commission on Indigenous Peoples. It also overlaps with the previous issuances. First the proclamation for the training camp of the Special Action Force of the PNP. Proclamation 1355. Proclamation 1158, the lot 10, where the core of the Masungi Karst is there. That proclamation was issued in 2006 by then Pres Gloria Macapagal-Arroyo, reserving that Lot 10 as the site of the New Bilibid Prison,” ani Tamoria.
“Yung preparation ng 2017 MOA, walang input ang DENR as to the technical description of the area to be covered… No record in the Region 4A and even in the central office as to the complete staff work regarding the formulation. We’re not aware when it was signed, and where it was signed… The complete documentation, especially on the aspect of the technical description, ay wala po kaming participation,” dagdag pa ng DENR regional director.
Hinikayat rin ng Kamara si Loyzaga na agad maglabas ng pagpapasya sa usapin ng Masungi.
“Magdesisyon na kayo. Huwag nyo na kami antayin. Kung tama naman ang desisyon ng inyong secretary, we will support you. ‘Pag mali naman, we will take the appropriate action,” dagdag pa ni Barzaga.