WALANG sinayang na sandali ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na agad na tumugon sa panawagan ng nasa 8,000 pamilyang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay.
Sa kalatas ng PAGCOR, aabot sa anim na libong family relief packs na naglalaman ng mga food and non-food items sa pamilyang nasa iba’t-ibang evacuation centers sa nabanggit na lalawigan.
Ayon kay PAGCOR chairman at CEO Alejandro Tengco, unawa ng PAGCOR ang pinagdaraanan ng mga biktima, kasabay ng pahayag ng pag-asang makakatulong ang donasyon ng naturang ahensya sa kasalukuyang sitwasyon ng libo-libong pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers.
Pagtitiyak ni Tengco, handa ang PAGCOR gawin ang lahat sa abot ng kakayahan ng ahensya para tumugon sa panawagang tulong ng mga apektadong Pinoy.
Nagpasalamat naman si Albay 2nd District Representative Joey Salceda sa naturang donasyon ng lalo pa’t hindi biro ang dami ng mga apektadong pamilya.
Dagdag pa ng mambabatas, lahat ng tulong na maaring makuha ay kanilang kailangan dahil sa walang kasiguraduhan ang pag-aalburoto ng Mayon.
Nakataas parin sa Alert Level 3 ang bulkan bunsod ng mga aktibidad na pahiwatig ng napipintong malakas na pagputok.