
SA gitna ng walang puknat na dagdag-presyo sa mga binebentang produktong petrolyo, pinaka praktikal ang paggamit ng motorsiklo papunta sa trabaho at pauwi sa tahanan.
Gayunpaman, hindi dapat isantabi ang kaligtasan ng mga riders, ayon sa Sta. Maria Magnificent Eagles Club na naghandog kamakailan ng mga safety helmets sa Philippine National Police (PNP) bilang suporta sa programang naglalayong tiyakin ang kaayusan sa mga lansangan.
Kasabay ng pagdiriwang ng ika-pitong anibersaryo ng Metropolitan Bible Baptist Ekklesia Shilon Congregation na nakabase sa lungsod ng Caloocan, pormal na tinanggap ni Northern Police District director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones bilang kinatawan ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr ang mga safety helmet mula kay North Luzon Region VI Governor Romel Manuel.
“Safety is of paramount importance para sa mga pulis na nagbibigay kaayusan sa ating mga lansangan,” sambit ni Manuel.
Pagtitiyak ni Manuel, mananatiling katuwang ng pulisya at maging ng simbahan ang kanilang hanay sa kolektibong pagkilos sa kapakanan ng mga mamamayan.
Kabilang rin sa mga tumayong saksi sa turnover ng mga safety helmets sina Caloocan City Mayor Dale Malapitan, Caloocan PNP chief Col. Ruben Lacuesta, Manila City Rep. Bienvenido Abante at Bishop Ruben Abante.