Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
UMABOT sa P14.1 milyong halaga ng benepisyo ang ipinamahagi sa may 3,000 residente mula sa bayan ng Sta. Fe sa ikaapat na araw ng aid caravan na inilunsad ng tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez sa Leyte.
Sa datos ng tanggapan ni Romualdez, nasa 1,000 kuwalipikadong benepisyaryo ang nabigyan ng tig-P5,000 cash assistance at P1,000 halaga ng bigas o kabuuang P6 milyon sa ilalim ng Cash and Rice Distribution Program (CARD). Ginanap ito sa Brgy. 96 Calanipawan kanina.
Nasa 2,000 residente naman ng Sta. Fe ang nabiyayaan ng tig-P4,050 para sa 10 araw na trabaho o kabuuang P8.1 milyon sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
“Ito po ang pagsasakatuparan ng pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ilalapit niya ang gobyerno sa ating mga mamamayan,” ani Speaker Romualdez.
“The House of Representatives remains committed to supporting the continuation of these laudable assistance programs to bring needed relief to our citizens in need according to our President’s vision of a Bagong Pilipinas,” wika pa ng lider ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 3000 kinatawan.
Si Speaker Romualdez ay kinatawan sa payout ng TUPAD ng kanyang District Chief of Staff na si Atty. Mark Reyes, katuwang sina Sta. Fe Mayor Amparo Monteza at DOLE North Leyte Field Office head Engr. Emmanuel Dela Cruz.
“Sa direktiba po ni Speaker Romualdez, patuloy kaming nakikipag-ugnayan sa mga local government units dito sa Leyte at sa iba’t-ibang ahensya ng ating pamahalaan upang ipaabot sa ating mga kababayan ang mga ayuda upang mapagaan natin ang kanilang mga pasanin,” sabi ng lider ng Kamara.
Si Cyril Manilao, ang District Coordinator ng Office of the Speaker, ang nanguna naman sa pamamahagi ng tulong sa ilalim ng CARD katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kinatawan ni Social Welfare Officer II Rammilyn Majarilla.
Nagsimula ang Leyte aid caravan para sa CARD at TUPAD noong Hulyo 9 sa People’s Center sa Tacloban City at sa bayan ng Babatngon. Kasunod naman ang payout ng CARD sa bayan ng Tanauan.
Noong Miyerkules, namahagi ng tulong ang caravan sa Brgy. 94 Tigbao, Tacloban at sa bayan ng Tolosa.
Ang aid caravan sa Leyte ay magpapatuloy araw-araw hanggang sa Hulyo 19.
