Eksaktong isang linggo ang nakalipas mula nang yanigin ng malakas na dagundong bunsod ng pagguho ng lupa ang munisipalidad ng Maco sa Davao de Oro, umakyat na sa 71 ang kumpirmadong patay, ayon sa lokal na pamahalaan.
“We have a total of 71 retrieved bodies and body parts. So, ang unidentified bodies naman natin there is a total of 17,” wika ni Leah Añora na itinalaga ng pamahalaan panlalawigan bilang tagapagtala ng mga apektado ng trahedya.
Nasa 47 katao naman ang patuloy na hinahanap ng search and rescue teams.
Ika-6 ng Pebrero nang salantahin ng malakas na buhos na ulan ang bayan ng Maco – partikular ang apat na barangay sa paligid ng Apex Mining. Sa tindi ng unos, bumigay ang isang bahagi ng kabundukan at tinabunan ang isang lugar kung saan nakagarahe ang mga bus na gamit ng mga minero papunta sa minahan at pauwi pagkatapos ng trabaho.
Bukod sa mga bus, pumailalim sa ga-bundok na putik at bato ang mga kabahayan at ang punong bulwagan ng barangay.
Batay sa talaan ng pamahalaang panlalawigan, mga manggagawang minero ng Apex mining ang karamihan ng mga nasawi sa trahedya habang patuloy ang paghahanap sa 47 na iba pa.
Nasa 6,356 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 13 evacuation centers, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
