HINDI na nagawa pang humarap sa husgado ang umano’y utak sa likod ng pambobomba sa Mindanao State University noong Disyembre ng nakaraang taon matapos mapatay sa engkwentro sa Marawi City.
Sa kalatas ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kinilala ang suspek na si Khadafi Mimbesa, alyas “Engineer,” na lider umano ng Daulah Islamiyah – Maute Group.
“Statements from a surrendered terrorist, identified as KHATAB, a high-value individual in the DI-Maute Group who surrendered to the 2nd Mechanized Brigade on February 11, have corroborated the initial information on demise of the DI-Maute Group Amir and the mastermind behind the MSU bombing,” ayon sa militar.
Bago pa man naganap ang engkwentro, unang nagsagawa ng operasyon ng AFP na humantong sa pagkasawi ng siyam na di umano’y miyembro ng Daulah Islamiyah.
Sa naunang impormasyon na inilabas ng AFP, tinukoy nila na kabilang sa mga napatay na suspek ay si Saumay Saiden (na may alyas Ustadz Omar at Abu Omar, Saumay), na kabilang sa apat na pangunahing suspek sa MSU bombing.
Patay din si Abdul Hadi, alyas Hodi Imam at Abday’N, na sinasabing gumawa ng bomba na ginamit sa pagpapasabog sa MSU.
Apat ang nasawi at 45 ang nasugatan sa naturang pagpapasabog sa MSU na nangyari sa Dimaporo Gymnasium kung saan nagdaos ng misa.
