SAMPUNG araw ang nakalipas mula nang yanigin ng malakas na dagundong bunsod ng pagguho ng lupa ang munisipalidad ng Maco sa Davao de Oro, umakyat na sa 92 ang kumpirmadong patay habang 36 naman ang hindi pa rin nakikita, ayon sa lokal na pamahalaan.
Base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa 32 naman ang himalang nakaligtas sa trahedyang gumimbal sa mga residente ng Barangay Masara halos dalawang linggo na ang lumipas.
Gayunpaman, hindi na umaasa ang pamahalaan na magkatagpo pa ng survivor sa ilalim ng guho. Katunayan pa anila, ibinaba ang antas ng operasyon – mula sa search and rescue, ginawang search and retrieval na lang.
Ika-6 ng Pebrero nang salantahin ng malakas na buhos na ulan ang bayan ng Maco – partikular ang apat na barangay sa paligid ng Apex Mining. Sa tindi ng unos, bumigay ang isang bahagi ng kabundukan at tinabunan ang isang lugar kung saan nakagarahe ang mga bus na gamit ng mga minero papunta sa minahan at pauwi pagkatapos ng trabaho.
Bukod sa mga bus, pumailalim sa ga-bundok na putik at bato ang mga kabahayan at ang punong bulwagan ng barangay.
Batay sa talaan ng pamahalaang panlalawigan, mga manggagawang minero ng Apex mining ang karamihan ng mga nasawi sa trahedya habang patuloy ang paghahanap sa iba pa.
Nasa 6,356 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 13 evacuation centers, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
