KUNG pagbabatayan ang mga bagong ebidensyang nakalap ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sadyang pinagplanuhan patayin si Negros Oriental Gov. Roel Degamo, ayon kay Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos.
Katunayan aniya, hawak na rin ng Philippine National Police (PNP) ang sketch plan, at larawan ng isang gusali na pinaniniwalaang ginamit sa planong pagpaslang sa gobernador.
Nang tanungin si Abalos kung saan at paano nakuha ang tinukoy na ebidensyang tuluyang magdidiin kay Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves, nakalap di umano ng mga operatiba ang sketch plan at mga larawan ng mga lugar na karaniwang pinupuntahan ng yumaong gobernador, sa isinagawang pagsalakay sa HDJ Bayawan Agri-Ventures Corp. Tolong Compound na pag-aari ni dating Negros Oriental Gov. Pryde Henry Teves.
Bukod sa mga sinasabing ‘pandiin’ sa mga Teves, kabilang rin sa mga nasamsam sa naturang operasyon ang nasa P19 milyong cash, samu’t saring baril at mga pampasabog.
Kapatid ng nagtatagong kongresista ang dating gobernador.
Bago pa man nagpatawag ng pulong-balitaan si Abalos, hayagang tinukoy ni Justice Secretary Crispin Remulla si Congressman Teves na isa sa apat na utak sa likod ng pamamaslang kay Degamo.
Inirekomenda na rin ng DOJ ang pagsasampa ng 9 counts ng murder laban sa anim na suspek na sina Jessie Boy-ay, Jose Marie Ramirez, Jomar Canseco, Crispin Vallega, Jerome Maquiling, Florence Quinikito, Joseph Renada, at Michael Fabugais.