DALAWANG sundalo ng Philippine Army na bahagi ng medical outreach mission ang sugatan matapos tambangan ng mga armadong kalalakihan sa Barangay Magcawa sa bayan ng Al Barka, lalawigan ng Basilan.
Sa ulat ni Brig. Gen. Alvin Luzon na tumatayong commander ng 101st Infantry Brigade, naganap ang insidente ng pananambang habang binabaybay ang highway pabalik sa kampo ng 45th Infantry Battalion bandang tanghali ng Martes.
Ayon sa heneral, ligtas na sa kamatayan ang dalawang sundalong agad na dinala sa pagamutan.
Samantala, inatasan naman ni Basilan Gov. Hadjiman Salliman, chairman ng provincial peace and order council, ang municipal officials sa Al Barka para makipag-ugnayan sa Basilan Provincial Police Office para tukuyin, dakpin at sampahan ng kaso ang responsableng grupo.
