TARGET ng isang manhunt operation na ikinasa ng mga pulis-probinsya ang isang kabarong di umano’y lumalabas sa sangkot sa pagpatay sa isang 41-anyos na barangay chairman nito lamang Nobyembre 13 sa Barangay Don Mariano Marcos sa bayan ng Jaen, lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon kay Nueva Ecija provincial police chief Col. Ferdinand Germino, natunton na ang kinaroroonan ng sasakyang ginamit sa pamamaslang kay Barangay Chairman Mark Vic Pascual ng Don Mariano Marcos.
Natagpuan ang kotseng ginamit ng suspek sa Barangay Nayapyap Norte sa Cabanatuan City. Gayunpaman, hindi na inabutan ang hindi pinangalanang target ng manhunt operation — isang AWOL na pulis.
Pag-amin ni Germino, hindi naging madali ang pagtugis sa suspek. Batay aniya sa mga nakalap na pinagdugtong dugtong na CCTV footages mula Jaen hanggang Cabanatuan, natunton ang sasakyang ginamit ng suspek sa pamamaslang.
Sa bisa ng search warrant agad na ikinasa ang operasyon sa Barangay Nayapyap Norte kung saan nasamsam din ang isang caliber 45, mga bala, granada at shabu sa kotseng may plakang NDX 4667.
Nakatakda naman isailalim sa ballistic test ang nakuhang baril.
Samantala, naglaan ng P300,000 pabuya sa makakapagturo sa kinaroroonan ng suspek.
