HINDI NA umabot pang buhay sa pagamutan ang 48-anyos na lalaki matapos tabunan ng lupa mula sa ang mataas na bahagi ng isang quarry site sa bayan ng Tagkawayan sa lalawigan ng Quezon.
Bukod skay Ramil Hernandez na idineklarang dead on arrival sa pagamutan, sugatan din ang dalawang iba pa – ang kapatid na nagngangalang Jeremy at kapitbahay na alyas Joey.
Kwento ng mga residente ng Sitio Labak, Barangay sa Mapulot na sakop ng Tagkawayan, dakong alas 10:00 ng umaga ng Nobyembre 16 nang mabulahaw ang komunidad ng isang malakas na dagundong na sinabayan ng pagyanig ng lupa. Ilang saglit pa, gumuho na ang lupa mula sa quarry site.
Sa bilis ng pangyayari, hindi na nagawang lumabas ng tahanan ang mga biktima hanggang sa tuluyang natabunan ng gumuhong lupa ang mga bahay sa bandang ibaba ng binabasag na kabundukan.
