
BARAS, Rizal – Habang patuloy ang paglalatag ng reporma sa Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DOJ), isang panibagong bulilyasong kinasasangkutan ng lokal na pulisya at piskalya ang lumutang kaugnay ng di umano’y ‘fabricated shooting incident’ sa bulubunduking bahagi ng Barangay Pinugay.
Sa hiling ng mga magsasaka, muling inimbestigahan ng PNP ang pamamaril noong Hulyo ng nakalipas na taon sa Sitio San Roque kung saan sugatan ang dalawang armadong guwardiya – sina Melvin Akmad at Kukan Maas – ng Masungi Georeserve Foundation.
Batay sa 18-pahinang ulat ng Rizal Provincial Investigation and Detection Management Unit (PIDMU) sa noo’y PNP regional director Major Gen. Melencio Nartatez, lumalabas na na-wow mali ang lokal na pulisya sa pagdakip sa isang Jay Sambilay na tumatayong lider ng mga magsasaka sa naturang lugar.
Bukod kay Sambilay, kabilang rin sa mga sinampahan ng kasong frustrated murder sina Arnel Olitoquit, Jonjon Sambilay, Damsana Ipang, Jefferson San Diego, Crisanto Trinidad, at Ephraim Villacruz.
Sa imbestigasyon, lumalabas na narekober ng pulisya ang ginamit na shotgun sa outpost ng mga armadong guwardiya ng Masungi Georeserve — at hindi sa tahanan ng mga inaresto.
“SOCO arrived at the crime scene… and recovered two pieces of spent shotgun shells and one 12-gauge shotgun,” saad sa isang bahagi ng investigation report na pirmado ni former Rizal Provincial Police Director Col. Dominic Baccay.
Tumanggi rin umano magsalita ang mga biktima, alinsunod sa payo ng hindi tinukoy na abogado.
Sa isang pahayag, nanindigan naman si Sambilay na hindi mga magsasaka ang dapat idiin sa kaso, kasabay ng giit na ang Masungi Georeserve di umano ang nanggigipit sa mga magsasaka at residente ng Sitio San Roque.
“Payapa ang buhay namin… gumulo nang dumating sila (Masungi). Gusto nila sakupin ang Sitio San Roque at gawing bahagi ng pangarap na hasyenda sa bisa ng Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng yumaong Environment Sec. Gina Lopez.”
Para kay Sambilay, bahagi sa plano ng isang pamilyang nagpapanggap na environmentalist ang ipakulong sila para mawala ang balakid sa target na pagsakop sa humigit kumulang 2,700-ektaryang lupa — o kasing laki ng lungsod ng Makati.
“Totoong tutol kami sa pananakop ng Masungi. May pinanghahawakan kaming ng mga dokumento. Batid din naman saklaw ng batas ang pananatili at pagtatanim namin dito. Kaya siguro naisip nilang gumawa ng pakulo at ibintang sa amin dito.”