MATAPOS ang halos 16 oras na paghahalughog sa Kingdom of Jesus Christ compound sa Barangay Buhangin, Davao City, bigo pa rin ang nasa 2,000 miyembro ng Philippine National Police (PNP) na makita maski anino man lang ni KOJC founder Pastor Apollo Quiboloy.
Pag-amin ni Davao regional police chief Brigadier General Nicolas Torre III, hindi naging madali sa mga pulis ang paghahanap sa 30-ektaryang pag-aari ng puganteng televangelist na nahaharap sa mahabang talaan ng mga kasong kriminal na isinampa sa husgado.
“Kami sa loob nagkakawala-wala eh. Sa laki ng lugar, sa dami ng mga lusutan, kami mismo nagkakawala-wala. Kami nga, nagkakahiwa-hiwalay sa loob,” wika ni Torre.
“So uulit kami bukas, nakita na naman namin ang layout. Uulit kami bukas, hahanapin namin. Ito ay sa tingin ni Mr. Quiboloy ay larong tagu-taguan sa loob ng 30-hectare compound niya,” dugtong ng PNP official.
Nanindigan din ang Davao regional police chief nasa nasa loob pa rin ang target ng pulisya lalo pa’t kapiraso pa lamang umano ng 30-ektaryang KOJC compound ang nasuyod ng mga operatiba.
Dakong alas 5:27 ng umaga kahapon nang pasukin ng nasa 2,000 pulis ang KOJC Compound sa paniwalang nasa loob ang target ng operasyon – ang paghahain ng warrant of arrest laban kay Quiboloy.
Samantala, inalerto din ni Torre ang mga tauhan ng PNP hinggil sa di umano’y plano ng mga KOJC members na tulungan si Quiboloy sa pagtakas.
“Andiyan sa loob. Itatakas ngayong gabi. May information kami na may mga sistema silang pinag-iisipan kung paano ilabas si Mr. Quiboloy,” garantiya ni Torre.
