MATAPOS sibakin ang mga hepe ng lokal na pulisya, target na rin ng isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng naglipanang illegal Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hubs sa Central Luzon si Regional Police Director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr.
Pag-amin ni Philippine National Police chief PGen. Rommel Marbil, kabilang sa mga tatalupan si Hidalgo dahil sa pamamayagpag ng bulilyasong (POGO) hubs sa dalawa sa pitong nasasakupang lalawigan – Tarlac at Pampanga.
Paglilinaw ng hepe ng pambansang kapulisan, command responsibility lang ang nakikitang butas laban sa regional director ng Central Luzon Police bunsod na rin aniya ng nadiskubreng scam farms sa Bamban, Tarlac at sa bayan ng Porac sa probinsya ng Pampanga.
Para kay Marbil, higit na angkop maarok sa isinasagawang imbestigasyon kung paano sumulpot ang mga scam farms.
Aniya, lubhang naging kampante ang mga pulis sa Central Luzon. Kabilang sa mga tinukoy ni Marbil ang kabiguan ng mga lokal na pulisya na imbestigahan ang mga natagpuang bangkay na iniuugnay naman sa illegal POGO operation sa nasabing rehiyon.
Gayunpaman, kumbinsido si Marbil na walang patong na pulis sa naturang rehiyon pero dapat aniyang usisain ang dahilan kung bakit maraming krimen ang hindi naitatala ng mga lokal na pulisya.
