KALABOSO ang mahigit 100 banyaga matapos salakayin ng ng mga operatiba ng pamahalaan ang isang illegal online gaming hub sa lalawigan ng Cebu.
Sa isang kalatas mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Sabado ng gabi nang pasukin ng mga operatiba ng kawanihan ang establisyemento sa Barangay Agus sa lungsod ng Lapu-Lapu.
”During the raid, hundreds of foreign nationals were found to be engaging in illegal online gaming operations on makeshift work stations inside the resort premises,” saad sa pahayag naman ng Bureau of Immigration (BI).
Sa mga inarestong dayuhan, 13 ang lumalabas na illegal aliens na target sa mission order na nilagdaan ni Immigration Commissioner Norman Tansingco.
Paglilinaw ng ahensya, dadaan muna sa inquest proceedings ang mga foreign nationals bago tuluyang ideport sa pinagmulang bansa. Sasampahan din ng kaso ang may-ari ng resort kung saan sumentro ang operasyon ng mga dayuhang sangkot sa illegal online gaming operations sa Cebu.
Bukod sa PAOCC at BI, pasok sa pinagsanib na operasyon kontra illegal POGO ang National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Center on Transnational Crime (PCTC), Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
