NAKAPOSAS na nang ilabas ng mga operatiba sa convention center ang panauhing pandangal sa isang pagtitipon ng mga katutubo sa Nueva Vizcaya, matapos mabistong ng National Bureau of Investigation (NBI) na isang impostor ang nagpakilalang Deputy Executive Secretary for Legal Affairs ng Office of the President.
Kwento ng mga operatiba, todo-kaway pa ang suspek na kinilala sa pangalang Omar Moreno sa mahigit 100 lider ng indigenous peoples (IP) sa naturang pagtitipon. Lingid sa kanyang kaalaman, nakakalat na sa venue ang mga ahente ng NBI.
Narekober din sa nasabing operasyon ang mga pekeng dokumento hinggil sa “designation as head, Deputy Executive Secretary For Legal Affairs – Office of the President.”
“Nag-issue ang Executive Secretary of Office of the President ng negative certification that ‘yung taong subject natin is not related or connected to the Office of the President,” wika ng agent-on-case ng NBI Special Task Force.
Dagdag pa ng NBI, matagal na umanong nagpapakilala na taga-Malacañang ang suspek sa mga sulat niya at isinusulong na proyekto.
“Nire-review daw niya yung requirements, siya ang magpapasa mismo sa Office of the President. Ang violation niya is under the circumstances is Article 177 sa Revised Penal Code which is yung usurpation of authority,” sabi pa ng agent on case.
