
MATAPOS ihanay ng Anti-Terrorism Council sa talaan ng mga terorista, target naman ngayon ng pa pamahalaan tugusin at tuluyang lansagin ang di umano’y private army na ginagamit ni suspended Rep. Arnolfo Teves sa paghahasik ng karahasan sa lalawigan ng Negros Oriental.
Sa isang pahayag ng Philippine National Police (PNP), tiniyak ni PNP Public Information chief Brig. Gen. Red Maranan na tatalima ang kapulisan sa atas ng ATC na wakasan ang di umano’y patuloy na pamamayagpag ng armadong grupong pinaniniwalaang pinopondohan ng kongresistang pangunahing suspek sa mahabang talaan ng patayan sa Negros Oriental.
“Yes, may manhunt operations laban sa armadong grupo ni Cong. Arnolfo Teves Jr.,” ani Maranan.
Una nang idineklara si Teves bilang terorista – base anila sa mga nakalap na ebidensya, testimonya at mga mga sinuring kaganapan, kumbinsido ang ATC na pasok sa kategorya g private army ang grupo sa likod ng kabi-kabilang karahasan sa nabanggit na probinsya, kabilang ang pagpatay sa noo’y Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa sa Bayawan City noong Marso 4.
Ayon pa kay Maranan, lumikha ng matinding takot na nakaapekto sa pamumuhay ng mga Negrense ang pamamayagpag ng grupong tinawag ng ATC bilang Teves Terrorist Group.
Bukod kay Teves, pasok din sa pinakabagong talaan ng mga terorista ang kapatid niyang si former Negros Oriental Gov. Pryde Henry Teves, Nigel Electona, Hannah Mae Sumero Oray, Marvin Miranda, Rogelio Antipolo, Rommel Pattaguan, Winrich Isturis, John Louie Ganyon, Dahniel Lora, Eulogio Gonyon Jr., Tomasino Aledro at Joemarie Catubay.
Sa kabila ng kabi-kabilang panawagan, tumanggi si Teves bumalik sa Pilipinas matapos lumipad sa Estados Unidos noong Pebrero para sa aniya’y pagpapatuloy ng kanyang stem cell treatment. Katwiran ng kongresista, may banta sa buhay niya.